Mataas na ratings, patunay na nasa tamang direksyon ang Marcos administration

Ikinatuwa ni House Speaker Martin Romualdez ang 78-percent approval ratings na nakuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Diin ni Romualdez, nagpapakita ito na nasa tamang direksyon ang Marcos Jr. administration.

Binanggit ni Romualdez na unang tamang hakbang na ginawa ni PBBM ang pagkumbinsi sa mga magagaling at may kakayahan na indibidwal na maglingkod sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng paglahok sa kanyang gabinete at economic team.


Ayon kay Romualdez, pangunahin sa mga aksyon ng administrasyon na ikinatuwa ng mamamayan ang pagtugon sa pananalasa ng Bagyong Karding at mga hakbang kaugnay sa COVID-19 pandemic.

Binanggit ni Romualdez, mataas din ang markang ibinigay ng publiko sa mga ginagawa ng administrasyon pagdating sa pagsusulong ng kapayapaan at kapakanan ng mga Pilipino sa abroad, paglaban sa kriminalidad, paglikha ng trabaho, pagtataas sa sahod ng mga manggagawa, pagbibigay proteksyon sa kalikasan at pagtatanggol sa ating teritoryo.

Hinggil dito ay nananawagan si Romualdez sa taumbayan na maging mapagpasensya at magtulungan bilang suporta sa pagsisikap ni Pangulong Marcos na maiangat ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Facebook Comments