Mataas na satisfaction ratings ng Pangulo isa na namang dagok sa mga taga oposisyon ayon sa Malacañang

Ikinatuwa ng palasyo ng Malacañang ang resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS na nagpapakita na tumaas ang bilang ng mga kuntento sa performance ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay kasi sa survey ay nakakuha ang Pangulo ng 79% satisfaction ratings o katumbas ng 66% net satisfaction ratings sa buwan ng marso o unang bahagi ng taon kung ikukumpara sa 60% net satisfaction ratings noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sa paulit-ulit na resulta ng survey na inilalabas ng mga survey companies ay paulit-ulit din nitong kinokontra ang mga paninira ng mga kritiko ni Pangulong Duterte.


Paliwanag ni Panelo, habang lumalakas ang paninira ng mga kritiko ay lalo pang tumataas ang ratings ng Pangulo.

Sinabi din ni Panelo na hindi pinakikinggan ng mga taga oposisyon ang boses ng mayorya ng ating mga kababayan at bulag naman sa maraming repormang ipinatupad ni Pangulong Duterte na nagbigay ng malaking pagbabago sa political at social landscape ng bansa na dala aniya ng makabago at mapangahas na Pangulo na ang tanging hangad ay protektahan ang kapakanan ng mamamayan.

Kaya na naman pinayuhan ni Panelo ang mga kritiko na imbes na ipagpatuloy ang pagbatikos sa Pangulo ay makiisa na lang ang mga ito sa mayorya ng ating mga kababayan sa pagsuporta sa mga programa ng administrasyon na naglalayong paglingkuran at protektahan ang bansa at ang mamamayan at magambag sa paglago ng bansa.

Facebook Comments