Mataas na singil sa kuryente sa loob ng 20 taon, pinapaimbestigahan sa Senado

Pinapaimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang pagkabigong mapababa ang singil sa kuryente sa bansa sa kabila ng 20-taong implementasyon ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA law.

Nakasaad sa inihaing Senate Resolution No. 746, ni Hontiveros na target ng pagdinig na tukuyin kung may pagkukulang ba ang Energy Regulatory Commission (ERC) at ang Department of Energy (DOE) sa pagpapatupad ng EPIRA Law.

Layunin ng EPIRA Law, na nilagdaan bilang batas noong July 2001 na magkaroon ng dekalidad, tuloy-tuloy na suplay, at mababang singil sa kuryente na hindi naman nangyayari.


Binigyang-diin din ni Hontiveros na bukod sa mataas na singil, ay patuloy na hinaharap ng mga konsyumer ang taunan at matagal nang problema sa rotational blackouts dahil sa pagbawas ng supply, aberya sa sistema, at pag-depende pa rin sa fossil fuel bilang energy source.

“Paimbestigahan sa Senado kung bakit hanggang ngayon ay mataas pa rin ang singil sa kuryente sa kabila ng pagpapatupad ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA. Sa taon-taon na lang na may rotational blackouts at pataas nang pataas na binabayaran sa electricity bill, para kasing napako na ang pangako ng EPIRA na makapagbigay ng murang kuryente at maayos na serbisyo para sa bawat Pilipino,” ani Hontiveros.

Facebook Comments