Mataas pa rin na presyo ng bilihin kahit bumaba ang inflation rate, kinwestyon ni Senator Marcos

Kinwestyon ni Committee on Economic Affairs Chairperson Senador Imee Marcos ang hindi pagkakatugma ng mataas pa ring presyo ng pagkain sa mga palengke sa iniulat na pagbaba sa inflation rate ng bansa.

Giit ni Marcos, dapat tapyas na ang mga presyo ng pagkain dahil malaki ang epekto ng mga ito sa pagkalkula ng inflation rate na ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) ay bumaba na sa 4.5%.

Bunsod nito ay kinalampag ngayon ni Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa nananatiling mataas ang presyo ng pagkain kahit inalis na sa Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila at apat na karatig probinsya.


Binigyang diin ni Marcos na tila kumukuyakoy na naman ang DTI at “papetiks-petiks” kaya namamayagpag na naman ang mga mapagsamantalang negosyante.

Dismayado si Marcos na wala na namang nag-iikot na DTI at nanghuhuli, at tila natutulog naman umano sa pansitan ang mga ito.

Hiling ni Marcos sa DTI, paigtingin ngayon ang bantay-presyo dahil wala nang perang pambili ang mga tao, sabay banggit na nasa 4.2 million ang bilang ng mga walang trabaho at 6.6 million ang naghahanap ng dagdag trabaho, ayon sa rekord ng Philippine Statistics Authority.

Facebook Comments