Tuguegarao City, Cagayan – Naging matagumpay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 sa pagpapatupad ng mga pangunahing programa nito para sa taong kasalukuyan.
Ito ang ideneklara ni Ginoong William Sevilla, OIC ARD for Management Services ng DENR sa panayam ni RMN Cauayan News Correspondent Dolly Camacam kasabay ng ginanap na taunang sports festival at cultural show kahapon, Disyembre 20, 2017 sa .kanilang pangrehiyong tanggapan sa Tuguegarao City.
Naabot ng DENR ang target nitong 100% implementation ng kanilang national greening program gayundin ang titling, residential free patent at free patent application.
Idinagdag pa ni Sevilla na ang major accomplishment ng DENR para sa taong ito ay bunsod na rin malawakang suporta mula sa mga LGU, kapulisan at iba pang sector ng lipunan.
Ipinagmalaki pa ni Sevilla na kakaunting porsiyento na lamang ngayon ang bilang ng mga indibidwal na gumagawa ng illegal poaching.
Ito aniya ay dahil na rin sa tumataas na kabatiran ng mga mamamayan ukol sa paglabag sa batas kalikasan.
Sa katunayan ,malaking bahagi na ng ating kagubatan ang naisailalim sa tinatawag na protected areas.
Idinagdag pa ni Sevilla na higit pang mapapag-ibayo ng DENR ang mga programa at adbokasiya nito sa susunod na taon dahil na rin sa napakalaking suporta ni DENR Secretary Roy Cimatu sa mga pangrehiyong tanggapan.
Noon lamang buwan ng Oktubre ay nabigyan ng abogado and bawat tanggapan ng CENRO sa buong rehiyon na nagpabilis ng pagdinig sa ibat ibang mga kaso ng paglabag sa batas na itinakda ng DENR.
Bukod dito,naglalaan din ng pondo ang DENR para sa pagkuha ng mga bagong forest protection officers at forest rangers na magmamanman sa mga kagubatan.