*Cauayan City, Isabela-* Malaki ang naging pasasalamat ni Executive Vice President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) National Atty. Elgundo “Egon” Cayosa dahil sa matagumpay na pagtatapos ng kanilang apat na araw na Mandatory Continuing Legal Education at North Luzon Lawyer’s Convention na ginanap sa Tuguegarao City, Cagayan sa pangunguna ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Matatandaan na unang nagsimula ang convention noong ika dalawamput walo ng Nobyembre at natapos nitong unang araw ng Disyembre.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay IBP Vice President Cayosa, layunin ng kanilang isinagawang aktibidad na maituro at malaman ang mga legal developments at mga umuusbong na batas sa ating bansa.
Isa rin sa mga nilinaw ni Cayosa ay ang kakulangan ng mga abogado sa hanay ng PNP kung saan marami anya sa mga kaso ang naidudulog subalit nadi-dismiss lamang dahil sa mga technicalities o kakulangan ng mga ebidensya.
Kaugnay nito ay kanyang iminungkahi na dapat madagdagan pa ang kaalaman ng mga pulis hinggil sa batas upang hindi basta-basta naibabasura ang mga kaso.
Handa naman anya na makipagtulungan ang kanilang tanggapan sa hanay ng PNP upang magabayan ang mga pulis sa kanilang pag-iimbestiga at paghahain ng mga kaso sa korte.
Nanawagan rin ito sa mga otoridad at sa ating gobyerno na dapat gawin ang kanilang trabaho upang malitis ang sinumang may sala sa lalong madaling panahon.
Dahil dito ay kanyang hiniling sa korte suprema at sa mga gumagawa ng pulisiya na sa kabila ng pangangailangan ng PNP ng maraming abogado ay dapat itaas sa kahit 51 porsyento ang ipinapasa sa mga nag-eexam ng abogasya sa likod na rin ng hirap na pag-aaral ng abogasya.