Binigyang-diin ng Malacañan na dapat ayusin ang mga irrigation system sa Pilipinas.
Kasunod ito ng ulat ng United States’ Department of Agriculture-Foreign Agricultural Services kung saan naitalang world’s biggest rice importer ang Pilipinas ngayong 2019.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, paano magkakaroon nang maunlad na rice production ang bansa kung kulang o hindi umaabot ang tubig sa mga sakahan.
Pangunahin aniyang pangangailangan ang tubig o maayos na irigasyon sa pagtatanim upang magkaroon ng magandang ani o produksyon ng palay.
Samantala, tiniyak din ng tagapagsalita na may mga paraan nang ginagawa si Department of Agriculture Sec. William Dar sa pagresolba ng problema ng mga magsasaka.
Ini-upo aniya ng pangulo si Dar bilang kalihim ng DA dahil malawak ang kaalaman nito pagdating sa mga polisiya at paraan sa pagresolba ng problema sa Agrikultura.