Cauayan City, Isabela- Posibleng napatay o malubhang nasugatan ang ilang matataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa nangyaring sagupaan ng tropa ng 95th Infantry Battalion at NPA noong gabi ng Nobyembre 25, 2019 sa pagitan ng bayan ng Benito Soliven at Cauayan City, Isabela.
Ito ang inihayag ni Lt Col Gladiuz Calilan, pinuno ng 95th Infantry Battalion ng 5th ID, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Posible umano na dalawang babae at isang lalaki na opisyal ng NPA ang malubhang tinamaan dahil na rin sa mga bakas ng dugo na nagkalat sa pinangyarihan ng engkwentro.
Base rin ito sa kanilang mga narekober na matataas na kalibre ng armas kung saan ay kinumpirma mismo ng mga nagbalik-loob na NPA na pagmamay-ari ng kanilang mga kumander ang mga nasamsam na armas.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang kanilang hot pursuit operation laban sa mga nakasagupang rebelde.