MATATAAS NA URI NG BARIL NG FORMER REBELS, ISINUKO SA TROPA NG MILITAR SA ISABELA

Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay ng mga dating miyembro ng makakaliwang grupo ang pitong (7) high-powered firearms sa tropa ng 95th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade, at PNP sa Sitio Diwagao Complex, Barangay Tappa, San Mariano, Isabela kahapon, Marso 04, 2022.

Partikular na isinuko ang apat (4) na M16 rifles, dalawang M203 grenade launcher, isang AK47 rifle, at isang mahabang magazine na may lamang labing anim (16) na bala matapos iturn-over nina alyas Sartay, alyas Joey, at alyas Deo na magkapatid na nagbalik-loob sa pamahalaan nito lamang buwan ng Pebrero.

Ayon kay LtC Carlos Sangdaan, ang Battalion Commander ng 95IB, ang ginawa ng mga rebelde na isinauli ang gamit pandigma ay nagpapakita umano ng hangarin ng pagsuporta sa gobyerno upang wakasan ang armadong pakikibaka ng mga makakaliwang grupo.

Aniya, bahagi ng Community Support Program ang ginawang pagbabalik loob ng mga ito kung saan naging kasangkapan sila ng rebeldeng grupo matapos malinlang.

Ibinunyag naman ni alyas Sartay na sila ay mga anak ng yumaong si alyas Davao, Squad Leader ng Section Guerilla Unit (SGU) ng CFC na namatay sa armadong engkwentro sa Diwagao Complex, Barangay Tappa, San Mariano, Isabela noong Oktubre 29, 2021.

Ayon sa kanya, nagsanib-pwersa ang natitira pang miyembro ng Regional Sentro De Grabidad na nabuwag at ang SGU. ngunit dahil sa kawalan ng suporta ng RSDG sa kanilang yunit ay agad silang nagpakalayo-layo hanggang sa mapagtanto umano nila na ginagamit lang sila para sa pansariling interes.

Bukod dito, sinabi ni BGen. Danilo Benavidez, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade, ang pagsuko ng armas ay isang malaking dagok sa ibang mga rebeldeng grupo dahil patuloy na humihina ang kanilang pwersa.

Nagpasalamat si MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa pakikipagtulungan ng mga dating rebelde sa paglaban sa mga rebelde.

Facebook Comments