
Pinababantayang mabuti ni Senator Chiz Escudero sa mga otoridad na hindi tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin matapos na hagupitin ng Bagyong Tino ang maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Iginiit ng senador na kailangang mabantayang mabuti ang presyo ng mga bilihin sa panahong ito upang maiwasan na maabuso ng ilang mga negosyante.
Tinukoy ni Escudero ang iniakdang Republic Act 10623, kung saan ang price control sa mga pangunahing bilihin ay epektibo sa loob ng panahon ng “state of calamity o emergency” pero hindi naman hihigit sa 60 araw o sa araw na i-lift ng pangulo ang deklarasyon.
Samantala, ang mga pangunahing bilihin naman na imported, ang price control ay epektibo sa loob ng maximum na 15 araw.
Sa ilalim ng batas ay pinalawak na rin ang saklaw ng basic at prime commodities kabilang ang mga inuming tubig na nasa bote o containers, prutas, locally-manufactured instant noodles, household liquefied petroleum gas, at kerosene gayundin ang livestock at fishery feeds.









