Inaasahang mararamdaman pa rin ang matinding init ng panahon sa ilang lugar sa bansa sa susunod na mga buwan kahit na makakaranas ng mga pag-ulan.
Sabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction chief Dr. Ana Solis sa interview ng RMN Manila na partikular na makapagtatala pa rin ng mataas na temperatura sa ilang lugar sa Northern Luzon hanggang sa Hunyo.
Dagdag pa ni Solis, pangunahing dahilan pa rin ang epekto ng El Niño Phenomenon.
“Mayroon pa rin po na mga areas parte ng Northern Luzon sa pagdating ng June ay mayroon pa rin pong matataas na temperature na maaaring maitala at dagdag pa po yan na tinatawag na maalinsangan o yung tinatawag na discomfort level natin, so usually po ito ang sinabi natin na warm and dry season na mas warmer siya due to prevailing El Niño na rin po dahil on weakening siya so andyan pa rin nananatili yung tinatawag na epekto ng El Niño na hindi lang may kakulangan ng tubig kundi mayroon din na mas mainit na temperature dahil historically po kapag mayroon El Niño ay ito po nakapagtatala tayo ng medyo maiinit o matataas na temperature”.
Sa kabila nito, posible naman aniya pumasok ang panahon ng tag-ulan sa una o pangalawang linggo ng Hunyo.
“Mag-a-update po ang forecast ng PAGASA nextweek, so usually po every third week of the month, so ngayon ay nakikita natin may mga possible na mga onset na rainy season, so usually kasi second half of May to first half of June na parang nakikita po natin yung parang later part ng usual on set ng rainy season, meaning maaari pong first week o second week ng June o maaari pong ma-extend po furtherly depende po sa criteria natin kung masa-satisfied yung pagdating ng tag-ulan lalung -lalo na po dyan sa Western Luzon area”.