Pinaiimbestigahan ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. sa Senado ang dahilan ng matinding pagbaha sa Luzon sa layuning mahanapan ito ng solusyon at hindi na maulit.
Sa inihaing Senate Resolution number 570 ay tinukoy ni Revilla ang report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sa nagdaang tatlong linggo ay limang sama ng panahon ang bumayo sa bahagi ng Luzon.
Nagpataas ito sa lebel ng tubig sa mga dam ng Ipo, Ambuklao, Binga at Magat kaya kinailangan nitong magpakawala ng tubig na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Binanggit ni Revilla na base sa report ng NDRRMC, dahil sa bagyo at baha ay umabot sa mahigit 428,000 pamilya sa mahigit 4,500 na mga barangay sa Regions I, II, III, V, CALABARZON, MIMAROPA, NCR, at Cordillera Adminstrative Region ang inilikas.
Katwiran ni Revilla, alam naman nating taon-taon dumarating ang mga pag-ulan at may mga pagkakataon na kinakailangang magpakawala ng tubig ang mga dam.
Giit ni Revilla, dahil dito ay dapat may mga nakalatag nang imprastraktura tulad ng dadaluyan at sasalo ng tubig mula sa mga dam para huwag rumagasa at manalanta ng mga kabahayan.