Maximum prescribed rates, ipatutupad ng LTO sa mga driving school

Hindi na uubra ang overpricing sa sisingilin ng mga pribadong driving institution sa mga aplikante ng lisensya ng pagmamaneho.

Batay sa inilabas na memorandum circular, hanggang ₱1,000 lang ang papayagang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng mga pribadong driving institution para sa Theoretical Driving Course (TDC).

Habang itinakda sa ₱2,500 naman ang pinakamataas na halagang sisingilin sa mga sasalang sa Practical Driving Course (PDC) para sa kukuha ng lisensyang may code A at A1.


Hanggang ₱4,000 naman ang itinakda para sa license codes B, B1, at B2.

₱8,000 para sa mga heavy vehicle na may license code C o Carrier of Goods (Truck), D o (Passenger Vehicles (Bus), at CE o Articulated Vehicles.

May katapat naman na parusa ang mga lalabag sa pamantayan.

Multang ₱50,000 at anim na buwang suspensyon ng akreditasyon ang ipapataw sa mga driving school na sa unang pagkakataon ay hindi susunod sa maximum prescribed rates ng mga TDC at PDC.

Multang ₱100,000 at hanggang isang taong suspensyon para sa ikalawang beses na paglabag; at revocation o pagkansela na ng akreditasyon kung lalabag pa rin sa ikatlong pagkakataon.

Magsisimula ang pagpapatupad ng bagong pamantayan sa singilin sa April 15.

Facebook Comments