Patuloy ang monitoring ng Quezon City Police District (QCPD) sa nangyayaring kilos-protesta na isinasagawa ng grupong MANIBELA at PISTON sa harap ng punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay QCPD Station 10 Commander P/Col. Robert Morato, tahimik pa naman ang sitwasyon habang napapangasiwaan pa rin ang daloy ng mga sasakyan sa magkabilang bahagi ng East Avenue QC.
Bagama’t hindi pa tiyak ng QCPD kung may permit to rally na dala ang grupo pero sabi ni PCol. Morato, ipatutupad nila ang maximum tolerance sa mga nagkikilos protesta.
Pero una nang sinabi ni MANIBELA President Mar Valbuena na hindi sila kukuha ng anumang permit para mag-rally dahil sa hindi naman din sila bibigyan ng ganitong permiso.
Dakong alas-8 ng umaga kanina nang sumugod dito sa LTFRB ang nasa 200 mahigit na miyembro ng PISTON at MANIBELA.
Bitbit na isyu ng grupo ang anila’y tuluyang pagbasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Itinaon ng MANIBELA at PISTON ang pagkilos na ito sa unang araw ng pagpapatupad ng malawakang panghuhuli sa mga jeep na tumangging sumama sa proseso ng consolidation.
Una na ring nagbabala si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na mula Mayo 2 ay ituturing na nilang kolorum ang isang unit ng PUJ na bigong sumama sa consolidation.