Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang may-ari ng MT Princess Empress na lumubog sa karagatan ng Oriental Mindoro noong February 2023 na naging sanhi ng pagkasira ng karagatan dahil sa oil spill.
Ang may-ari ng naturang barko ng RDC Reield Marines Services Inc., ang pangunahing respondent sa patung-patong na kasong kriminal kung saan kasama ang corporate officers, ilang empleyado, 19 na kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) at dalawang opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA.)
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, dapat mapanagot ang mga respondent sa nasabing kaso at mabigyan ng hustisya ang mga naapektuhan na residente sa Oriental Mindoro.
Matatandaang nagdulot ng pagkasira ng kalikasan sa naturang lalawigan ang MT Princess Empress na naging dahilan para mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda doon.
Maliban sa Oriental Mindoro, naapektuhan din ng oil spill ang Marinduque, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.
Ang rekomendasyon ng DOJ ay ibinase sa kasong isinampa ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division at ng alkalde ng Pola Oriental Mindoro na si Jennifer Cruz.