Hawak na ngayon ng Philippine National Police (PNP) si Jude Nelson Coral ang may-ari ng iligal na gawaan ng paputok sa Sitio Mahada, Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, nakatakda itong kasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries at damage to properties matapos ang pagsabog sa bahay ng suspek na ginagamit bilang iligal na pagawaan ng paputok na sinundan naman ng sunog.
Sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-10:00 kahapon ng umaga nang mangyari ang pagsabog dahilan para matupok ng apoy ang limang kabahayan kung saan nasawi ang limang empleyado nito at ikinasugat din ng ilang indibidwal.
Nabatid na kabilang sa mga nasawi ang dalawang kamag-anak ng suspek na kalauna’y umaming walang permit ang kanyang negosyo at online lamang niya natutunang gumawa ng paputok.
Kasunod nito, muling nagpaalala ang PNP sa mga manufacturer at dealer ng paputok na tumalima sa isinasaad ng Republic Act 7183 o Act Regulating the sale, manufacturing and distribution of firecrackers.