Umaalma ang may-ari ng lotto outlets sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga sugal at gaming operation sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ani ng ilang may-ari at operator ng lotto outlet, ito na ang kanilang tanging pinagkukuhanan ng kita.
Sa isang panayam kay Neil Hosaña, sinabi niyang dapat hindi na sila idamay pa sa nangyayari sa loob.
“Bakit pati operation nadamay? Kung may corruption, sana ‘yung mga tao nalang dun sa loob ang suspendihin, kasi nadadamay kami, kabuhayan namin wala na kami kinikita,” aniya.
Pati ang mga tumataya sa lotto, umalma rin sa kautusang ito.
Isang residente na nagngangalang Cindy Paborada ang nanalo ng P2,000 ngunit hindi niya pa nakukuha dahil nagsara na ang mga outlet.
“Pangit ‘yung ginawa niya… Siyempre di naman madali kumita ng pera, nagbabakasakali lang din,” pahayag ni Cindy.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ibabalik lamang ang operasyon kapag nahuli na ang mga corrupt officials sa loob.
Patuloy pa rin ang Individual Medical Assistance Program (IMAP), kung saan nagpopondo ng mga medikal na serbisyo tulad ng confinement, dialysis, medisina at iba pang therapy.
Sumatutal na 528,190 na pasyente ang natulungan ng programa at may P8 bilyon ang naibahagi sa mga nangangailangan nitong 2018.
Iniimbestigahan naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y korupsyon nanangyayari sa sweepstakes office.
Pinasara ang mahigit 20,000 lotto outlets pati ang Peryahan ng Bayan sa buong bansa kasabay ng utos ni Duterte nitong Hulyo 26.