Ipinatatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang dayuhang may-ari at driver ng mamahaling sports car na dumaan sa EDSA bus lane.
Ipinahaharap ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ang dalawa, bukas, October 24, alas-10:00 ng umaga.
Pinagsusumite rin sila ng paliwanag kung bakit hindi dapat masampahan ng kaso at kung bakit hindi rin dapat masuspindi o mabawi ang lisensya ng driver.
Ipinaalala ng LTO na kung hindi magsusumite ng kaukulang dokumento o paliwanag ang dalawa ay dedesisyunan nang naaayon sa batas ang ipapataw sa kanila lalo na’t matibay ang ebidensya na hawak ng Intelligence and Investigation Division.
Sa pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, ang EDSA bus lane ay ekslusibo lamang sa mga pampublikong bus, ambulansya at sasakyan ng gobyerno na may emergency.
Dagdag pa ni Guadiz, hindi nila kukunsintihin ang mga lumalabag sa batas trapiko kung saan may kaukulan itong parusa at multa.