DILG, pinag-aaralang i-orient ang mga ahensya ng gobyerno tungkol sa trabaho ng media

Pinag-aaralan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng dayalogo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Kasabay ito ng ginagawang security dialogue ngayon ng DILG at ng Philippine National Police sa mga miyembro ng media matapos ang insidente ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Kapisanan ng mga Bordkaster ng Pilipinas (KBP) President Herman Basbaño, nabanggit mismo ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mungkahing magkaroon din ng dayalogo sa iba pang mga sektor, lalo na sa mga taga-gobyerno, upang ipaunawa sa kanila ang trabaho ng mga mamamahayag.


“Na-mention ni Secretary Abalos na kung may checking with the media, siguro mayroon ding dialogue sa ibang sektor, sa government especially, na ipaintindi sa kanila kung ano ang trabaho ng media,” pahayag ni Basbaño sa interview ng RMN Manila.

“Kung may kinikilatis sa kanila, kung may mga komentaryo sa kanila, they should not get offended. It’s part of their job,” saad pa niya.

Sa pamamagitan nito, maaari aniyang turuan ang mga public official ng tamang proseso ng pagsagot sa mga kritisismo nang hindi kinakailangang gumamit ng dahas.

“Dapat ang isang public official ay mayroong paninindigan na harapin ‘yan by giving your response, baliin mo yung maling sinasabi, kung mali man yan, but not to resort into this.”

“So dapat siguro ang briefing, ang dialogue, should also be directed lalo na sa mga public officials na for example ha, kung ang isang mediaman ay may nasabing hindi tama against you, e ang solution dyan ay sa tingin mo, i-harass mo ang morale ng isang tao? He just response or kung talagang sobra na, then you have the court of law, pwede ka naman dyan mag-file ng kaso,” dagdag ni Basbaño.

Facebook Comments