Tuguegarao, Cagayan – Binaril at namatay ang dating bise mayor ng Amulung, Cagayan sa nangyaring pamamaril bandang 6:30 ng umaga, Oktubre 4, 2017 ng riding in tandem sa Barangay Carig, Tuguegarao City.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay PSI Alexander Tamang, ang pinuno ng Tuguegarao PNP Investigation Section, si Pascual ay papauwi na sa kanyang bahay sa Carig, Tuguegarao sakay sa kanyang motorsiklo sa direksiyong papuntang Norte nang siya ay pagbabarilin ng mga suspek mula sa likod.
Nagawa pang makatakbo gamit ang kanyang motor ngunit tumumba na lang ito ng layong 500 metro mula sa pinagbarilan sa kanya.
Dalawa ang tama niya sa likod at tumagos ang isang bala sa kanyang harapan. Nakarekober ang mga kapulisan ng isang slug na kaliber 45 sa crime scene.
Si Alexander Pascual na dating bise mayor ng Amulung, Cagayan mula 2013 hanggang 2016 ay kumandidatong alkalde noong 2016 ngunit tinalo siya ni incumbent mayor Nicanor De Leon.
Bago nag bise mayor si Pascual ay nanungkulan din siyang konsehal sa naturang bayan.
Abala ngayon ang mga PNP Tuguegarao sa pag iimbestiga sa naturang kaso habang hindi pa sarado ang isang kaso ng pamamaslang noong araw ng Lunes, Oktubre 2, 2017 sa isang PDEA Agent.