Manila, Philippines — Pinuri ni Senator Win Gatchalian ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin sa taong 2019 ang dagdag na buwis sa produktong petrolyo base sa itinatakda ng tax reform for acceleration and inclusion o train law.
Diin ni Gatchalian, patunay ito na kumikilos ang administrasyon at hindi nagpapabaya sa tumataas na inflation rate o presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Gatchalian, ang pasya ni Pangulong Duterte ay makakatulong ng malaki sa mamamayan lalo na sa mga mahihirap na labis na naapektuhan ng inflation.
Ipinunto din ni Gatchalian na dapat lang suspendehin ang 2nd tranche ng train law lalo’t hindi pa nakukumpleto ng gobyerno ang tulong sa nga apektado nito.
Tinukoy ni Gatchalian ang 10 porsyentong diskwento sa NFA rice, Unconditional Cash Transfer program, at Pantawid Pasada program.
Umaasa din si Gatchalian na kasabay ng suspensyon ay pasado na at maipapatupad na ang rice tariffication na target magpababa sa presyo ng mga pagkain at inflation rate.