Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Arestado ang dating provincial treasurer ng Ifugao dahil sa nakabinbing kasong graft sa Sandiganbayan.
Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan News Team mula kay PRO2 Police Community Relation Chief PSupt Chevalier Iringan, ang inaresto ay nakilalang si Samuel Marinay, 67 anyos, retiradong provincial treasurer ng Ifugao Provincial Government.
Naaresto ito sa kanyang tirahan sa National Highway, Roxas, Solano, Nueva Vizcaya bandang alas onse ng umaga kahapon ng Marso 8, 2018.
Ang kaso ni Marinay ay nag-ugat sa pagbili umano ng overpriced na segunda manong sasakyan ng provincial government noon pang 2003.
Agad naman itong nakalaya matapos magpiyansa ng halagang P 30, 000.00.
Samantala, sa pinaigting ng PNP Region 2 na Oplan Manhunt Charlie, ay dalawa pa ang naaresto na sina Marlon Garcia Villa, 26 anyos at residente ng Barangay Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa paglabag sa RA 9262 o The Anti-Violence Against Women and their Children Act Of 2004.
Naaresto naman sa kaparehong araw si Jealaica Andres, 21 anyos at residente ng Purok 5, Dababu Grande, San Agustin, Isabela ng Santiago City Police sa Barangay Dubinan, West Santiago City dahil sa kasong theft.
Ayon kay PRO2 Regional Director PCSupt Jose Mario Espino na ang pagkaaresto ng tatlong wanted lalo na kay Marinay ay resulta ng intelligence-driven operation ng PRO2 at ng magandang ugnayan nila sa komunidad.
Sinabi pa na ang sunod-sunod na pagkaaresto ng mga wanted sa Rehiyon Dos ay palatandaan lamang na ang PRO2 ay nagsusumikap sa kanilang kampanya laban sa mga nagtatago sa batas.