Manila, Philippines – Nakahandang masibak sa pwesto si Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano kung totoo ang akusasyong may korapsyon sa DFA.
Aminado si Cayetano na hindi pa perpekto ang sistema ng passport processing, pero sa mas naging maayos na ito sa kasalukuyan.
Kung noon, 1,900 passports lang ang napoproseso kada araw, ngayon umaabot na ito sa 3,300.
Isang beses na lang rin kukuhain ang biometrics para mapadali ang pagre-renew.
Hinamon din nito ang mga kritikong maglabas ng ebidensya o lead na may sindikato sa loob ng ahensya.
May mga kinausap na aniya ang DFA na nagpost sa facebook na nabiktima umano ng sindikato subalit tumangging makipagtulungan.
Samantala, nagpasalamat naman si Cayetano sa Kongreso dahil sa 10 taon na ang validity ng mga pasaporte simula ngayong 2018.
Magbubukas din ang DFA ng 9 pang consular offices, dagdag sa kasalukuyang 28.