MAY TRABAHO | OWWA, tiniyak na may naghihintay na trabaho sa mga OFW na babalik ng Pilipinas

Manila, Philippines – Muling tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may naghihintay na trabaho o pagkakakitaan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) balik-Pilipinas.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, kabilang sa mga tulong na handang ibigay ng OWWA sa mga umuwing manggagawa ang programang “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay.”

Aniya, kabilang sa ibang makatatanggap ng ayuda sa programa:


• Mga manggagawang na-displace dulot ng giyera, pagbabago sa patakaran, o anumang kontrol ng gobyerno sa ibang bansa.
• Mga biktima ng illegal recruitment o human trafficking.
• Mga distressed na OFW sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) dulot ng repatriation o pagpapauwi.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap sila ng P20,000 packaged assistance, techno-skill livelihood at entrepreneurship development training, starter kits, goods, at iba pang serbisyo.

Pasok pa rin sa programa ang mga OFW na nasa Pilipinas kahit tatlong taon na ang nakalilipas mula nang umuwi sila.

Payo ni Cacdac, maaaring tumungo sa mga tanggapan ng OWWA para sa iba pang detalye.

Facebook Comments