Zamboanga – Mayaman ang police officer na napatay sa buy-bust operation sa Dipolog City Zamboanga del Norte.
Ito ang inihayag ni Police Sr. Supt. Romeo Caramat ang commander ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF).
Aniya, open secret na sangkot sa iligal na droga si Police Supt. Santiago Ylanan Rapiz kaya naging sentro ito ng buy-bust operation.
Ayon kay Caramat, dating nakatalaga sa Negros Occidental si Rapiz at nalipat bilang logistic officer ng Zamboanga del norte Police Provincial Office.
Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, protektor ng drug syndicate ang PNP officer at nagbebenta rin ng iligal na droga.
Mayroon aniya itong limang malalaking bahay at maraming mamahaling sasakyan.
Sa drug operation nakarekober ang CITF ng 125 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit anim na raang libong piso sa sasakyan ng napatay na si Rapiz.
Sinabi pa ni Caramat na sa ngayon ay nasa isang libo pang tiwaling pulis ang minamanmanan ng CITF.