Mayor Alice Guo, umalma sa mga alegasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya

Pinalagan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga alegasyon na iniuugnay ang kanyang amang si Angelito Guo sa money laundering activities sa bansa.

Sa ipinadalang liham ni Guo sa gitna ng isinagawang executive session ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, iginiit ng alkalde na negosyante ang kanyang ama sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

This slideshow requires JavaScript.


Paliwanag ni Mayor Guo, pangunahing negosyo ng kanyang ama ay embroidery na matagal nang naitayo sa bansa at madalas din itong lumalabas ng bansa para asikasuhin ang kanyang mga negosyo at wala itong kinalaman sa mga iligal na gawain at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) activities.

Itinanggi rin ng alkalde ang paratang na nagpabaya siya bilang local chief executive kaya naitayo ang POGO hub at ang mayor’s permit na kanyang inisyu sa Zun Yuan ay batay sa kumpletong dokumentong isinumite nila matapos na makuha ang permit mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Nanindigan din ang alkalde na si Amelia Leal ang kanyang ina at hindi si Lin Wen Yi na inamin din ni Guo na kinakasama rin at business partner ng kanyang ama.

Muling umapela ang alkalde sa mga senador at maging sa publiko na pakinggan ang kanyang mga paliwanag bago siya husgahan kasabay ng pag-amin na labis siyang nasasaktan sa tawag sa kanya na “spy” o espiya ng China.

Facebook Comments