Mayor Bautista, Nilinaw na 8 lang ang kaso ng Delta variant; 2 Barangay Apektado

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni Mayor Arnold Bautista ng Tumauini, Isabela ang umano’y maling bilang ng mga tinamaan ng COVID Delta variant sa kanilang bayan, batay sa naunang datos na inilabas ng Department of Health Region 2.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa alkalde, walo (8) lang ang kabuuang kaso ng Delta variant sa kanilang bayan at hindi ang unang napaulat na sampu (10) mula sa 13 kaso na naitala sa buong lalawigan ng Isabela.

Ayon pa sa opisyal, tig-apat (4) ang naitalang kaso ng covid variant mula sa Barangay Antagan 1st at Minanga.


Sa kabila nito, muling inatasan ni Mayor Bautista ang Municipal Health Office na magsagawa ng re-swabbing sa mga tinamaan ng Delta variant gayundin ang mga posibleng nakasalamuha nito.

Napag-alaman aniya na walang travel history ang lahat ng tinamaan ng Delta variant sa kanilang bayan.

Samantala, isinailalim naman sa calibrated lockdown ang mga piling Purok ng 28 barangay na apektado ng COVID-19 upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit.

Tiniyak naman ni Bautista na matatapos sa lalong madaling panahon ang gagawing contact tracing sa mga nakasalamuha ng tinamaan ng variant.

Patuloy naman ang gagawing paghihigpit ng lokal na pamahalaan sa lahat ng entry at exit point upang masigurong walang makakalusot sa mga inilatag na checkpoint para na rin sa kaligtasan ng nakararami.

Umapela rin ang opisyal na huwag dedmahin ang COVID-19 dahil hindi aniya ito biro at ugaliin ang pagsunod sa umiiral na health protocol para maiwasan ang hawaan sa COVID-19.

Facebook Comments