Mayor Bernard Dy, Humingi ng Paumanhin sa Pagka-delay ng Tulong para sa mga Traysikel Driver!

Cauayan City, Isabela- Hinihintay na lamang ang validation ng BPLO sa mga pangalan ng traysikel drayber sa Lungsod na mabibigyan ng cash assistance mula sa city government.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Mayor Bernard Dy, mayroon nang listahan sa BPLO ang pangalan ng mga traysikel drayber sa Lungsod na aabot sa 5,247.

Sa bilang na ito ay may mga pangalan aniya na kinakailangang linisin sa listahan upang hindi madoble na mabigyan ng ayuda dahil ilan pala sa mga ito ay nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program ng DSWD.


Humihingi naman ng paumanhin ang alkalde dahil sa pagka-delay ng cash assistance na tulong para sa mga traysikel drivers.

Sa mga hindi aniya nabigyan ay maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng CSWD upang mabigyan ito ng pansin at mabigyan din ng tulong.

Patuloy rin na hinihikayat ang bawat pamilya sa Lungsod na magrehistro sa Relief Assistance Monitoring System o RAMS o di kaya’y pirmahan ang form na ipinapamigay ng barangay para matukoy kung anong mga tulong ang natanggap at kung anong tulong ang pwedeng matanggap mula sa city at provincial government.

Tiyakin lamang aniya na maibigay sa barangay ang form na pinirmahan dahil ito rin ang pagbabasehan ng city government sa pamimigay ng iba pang tulong.

Facebook Comments