Mayor Bernard Dy, Ipinag-utos na Dakpin ang mga Nagpapatayang Kubrador at Kabo ng Jueteng

Cauyaan City, Isabela- Hinikayat ni Mayor Bernard Dy ang taumbayan na arestuhin ang sinumang nagpapataya ng jueteng sa lungsod ng Cauayan.

Ito’y matapos aminin nito na maaaring Jueteng nga ang nangyayaring sugal na nakikita sa lungsod matapos nitong ipasara ang bolahan ng STL sa kanyang nasasakupan dahil sa hindi pagbabayad ng kaukulang permit mula sa pamahalaang panlungsod.

Ayon pa sa alkalde, bagamat naipasara na ang STL operation sa Cauayan City ay nakaabot na rin sa kanyang kaalaman na patuloy pa rin ang pagpapataya ng ilang mga kubrador kaya’t hindi malayo na mayroon ngang nagaganap na operasyon ng jueteng.


Dahil dito, dapat aniyang makipagtulungan ang taumbayan kung nais talaga ng mga ito na mapuksa ang illegal na sugal at sila na rin mismo ang manghuli sa mga ito dahil hindi lahat ng pagkakataon ay nababantayan sila ng mga awtoridad.

Magugunita na mariing tinututulan ng mga lokal na mga opisyal ng Pamahalaaan ng Isabela ang operasyon ng STL dahil sa hindi pagsunod di umano ng Sahara Gaming Corporation sa mga itinatakda ng batas lalo na ngayong panahon ng pandemya na mariin namang itinatanggi ng nasabing kumpanya na siyang binigyan ng prangkisa ng PCSO upang magpatakbo ng Small Town Lottery sa lalawigan.

Facebook Comments