Cauayan City, Isabela- Sa unang Linggo pa lamang na sumasailalim sa ‘new normal’ o General Community Quarantine ang Lungsod ng Cauayan ay marami nang nagkalat na tao sa labas at nagkaroon na rin ng masikip na daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Sa public address ni City Mayor Bernard Dy, kanyang iginiit na hindi ibig sabihin ng GCQ na anumang oras ay maaari nang lumabas ng bahay dahil tayo ay naka-quarantine pa rin.
Huwag din aniyang maging kampante dahil sa kasalukuyan ay mayroong pito (7) na suspected cases at 1 probable case sa COVID-19.
Maaari aniya itong madagdagan kasabay ng pagbabalik probinsya ng ilan sa mga na-stranded na kababayan sa iba’t-ibang lugar.
Kaugnay nito, kinakailangan pa rin sundin at gawin ang ilan sa mga importanteng hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 gaya ng pagsusuot ng facemask tuwing lalabas sa bahay at obserbahan ang social o physical distancing.
Hinihikayat rin ng alcalde ang lahat ng mga opisina at establisyimento na magpaskil ng polisiya na ‘NO MASK, NO ENTRY’.
Ang mga senior citizens, mga menor de edad at mga bata ay mahigpit rin na ipinagbabawal sa labas o sa mga lansangan.
Bawal pa rin ang pag-inom, pagbili at pagbebenta ng alak at pagppatupad ng videoke ban habang ang Lungsod ay sumasailalim pa rin sa GCQ.
Hiniling naman ni Mayor Dy ang pakikipagtulungan ng bawat isa upang tuluyang matuldukan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.