Mayor Guo, muling iginiit na ang PAGCOR ang may pananagutan sa pagkakaroon ng POGO sa kanilang lugar

Nanindigan si Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang kaugnayan sa anumang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ang iligal na operasyon nito gayundin pagkakasalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated na inireklamo ng human trafficking at illegal detention.

Sa naging panayam kay Atty. Nicole Jamilla- abogado ni Mayor Guo, hindi pananagutan ng alkalde ang POGO kundi ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na siyang nagre-regulate nito.

Aniya, walang kapangyarihan ang Local Government Unit (LGU) sa POGO operations dahil hawak ito ng
PAGCOR na siyang nagbibigay ng license to operate.


Paliwanag pa ni Atty. Jamilla, limitado lamang sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU sa pag-isyu ng mga business permit kung saan walang paglabag sa RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act si Mayor Guo base na rin sa naging reklamo sa Office of the Ombudsman.

Dagdag pa ni Atty. Jamilla, walang anumang ginawa si Mayor Guo na katumbas ng manifest partiality at gross inexcusable negligence na siyang elemento sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices.

Iginiit pa ng abogado na ang pag-isyu ng permit ng LGU sa Zun Yuan Technology Incorporated ay base sa proseso at rekomendasyon ng PAGCOR kung saan ang hindi agarang pag-revoke sa business permit nito ay dahil sa proseso na dapat sundin.

Facebook Comments