Mayor Isko, iba-ban ang pagtitinda ng ‘solvent’ sa Maynila

Plano na ngang iban ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno ang pagbebenta ng solvent para masolusyunan ang problema sa adiksyon ng mga kabataan sa lungsod.

Ito ay matapos ang isinagawang midnight inspection ng alkalde sa lungsod kung saan maraming kabataan ang nahuling sumisinghot ng solvent.

Ayon kay Isko, pupuntahan nila lahat ng tindahan, medical o hardware store man na mahuhuling nagbebenta ng nasabing substance.


Ituturing rin daw na regular pushers ang kahit sinong nagbebenta o nagbibigay nito sa mga menor de edad.

Ayon sa United States National Institute of Drug Abuse (NIDA), ang solvent ay magkahalong rugby at paint thinners na mayroong psychoactive substances na nakasisira umano ng internal organs ng tao gaya ng atay, bato, bone marrow pati na rin ng utak.

Samantala, binanggit ni Isko na kahit hindi sakop ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang solvents, pwede naman daw gumawa ng bagong batas para dito.

“In the absence of an existing law, we can come up with a new law.” huling sabi ni Isko.

Facebook Comments