Binalaan ni Mayor Isko Moreno ang mga Barangay officials sa Lungsod ng Maynila hinggil sa pamamahagi ng food packs sa gitna ng pinapairal na Enhanced Community Quarantine dahil sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko, suriin maigi ng mga opisyal ng Barangay ang listahan ng bawat pamilya sa kanilang nasasakupan at isama din ang ilang pamilya kahit pa hindi botante sa Lungsod.
Nabatid kasi na nakarating sa kaniyang tanggapan na isinasama ng ilang Chairman ang lahat ng pangalan ng kada miyembro ng isang pamilya para maging mabango ang kaniyang pangalan.
Dahil dito, sinabi ni Yorme na sisiguraduhin niyang mananagot ang mga opisyal ng Barangay na gumagawa ng ganitong uri ng pagkakamali kaya’t nanawagan siya sa mga ito na ayusin ang kanilang trabaho.
Dagdag pa ng alkalde na nais lamang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na mabigyan ng tulong ang lahat ng mga residente ng pantay-pantay kahit pa ito ay mayaman, middle class at mahihirap.
Iginiit pa ni Mayor Isko na handa siyang pangalagaan at proteksyonan ang interes ng bawat Manileño at hindi niya hahayaan ang pang-aabuso ng ilang mga nakaupo sa pwesto.