Hindi magpapaapekto si Mayor Isko Moreno sa naglalabasang kaliwa’t-kanang presidential survey kung saan sa huling resulta ay nasa ikatlong pwesto siya.
Ayon kay Mayor Isko, positibo pa rin siya sa kaniyang karera sa pagtakbo sa pagka-pangulo at kaniya pa rin ipagpapatuloy ang pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito’y para makaharap at makausap ang publiko upang maihatid ang kaniyang mga plano at program sakaling manalo sa eleksyon.
Giit pa ng alkalde, tututukan muna niya ang ginagawang pag-iikot kasama ang kaniyang partido na Aksyon Demokratiko dahil naniniwala siya na isa rin itong paraan para makuha ang panalo.
Aniya, mula nang pumasok sa politika ay palagi naman daw siyang underdog candidate lalo na’t wala naman siyang tinatawag na resources tulad ng kaniyang mga nakakalaban sa pagkandidato.
Pero sinabi ni Mayor Isko na kung may binitawan siyang salita ay kaniya naman daw itong ginagawa kung saan inihalimbawa niya ang mga magagandang proyekto at program na naipatupad sa lungsod ng Maynila.