Muling nanawagan si Manila City Mayor Isko Moreno sa publiko na huwag maniwala sa mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Ang panawagan ng alkalde ay para sa mga naniniwala sa mga nagpapakalat ng tsismis na walang bisa, hindi ligtas at hindi kailangan ang mga bakuna kontra sa COVID-19.
Mismong ang alkalde ang nagsabi na huwag basta maniwala kay Maritess kung saan aniya maiging maniwala sa siyensiya at mga ahensiya ng gobyerno maging sa international organizations tulad ng World Health Organization (WHO).
Dahil ang mga ito ang nagsasabing mabisang proteksyon ang bakuna laban sa COVID-19.
Ginawa ni Mayor Isko ang panawagan sa gitna ng pagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mass vaccination program nito at sinabing magpapatuloy ang bakunahan hanggat mayrooong bakuna.
Humingi naman ng pasensya at pang-unawa ang alkalde sa lahat ng mga gustong magpabakuna dahil ang ilan sa mga nagbabakuna o vaccinators ay kailangang i-pull out para magsilbi sa mga city-owned hospitals.
Ipinaliwanag naman ni Mayor Isko na maraming hospital staff ang na-infect ng virus kaya kailangang magkaroon ng adjustments para mapagsilbihan ang lahat.