Sa isang panayam nitong Martes, ibinahagi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kung saan ba talaga galing ang screen name nito.
Para sa mga taong tinututukan ang buhay ni Moreno, iniisip nilang galing ito sa pangalan ng yumaong German Moreno.
Ngunit ayon sa alkalde, Moreno talaga ang apelyido ng kaniyang ina sa pagkadalaga at nagkataong kapareho ito ng pangalan ni Kuya Germs.
Pangalawang ama ang turing ng bagong lider sa beteranong TV host dahil ito ang nagbigay ng oportunidad para makilala siya ng publiko.
“Wala ho sigurong Isko Moreno ngayon kung walang Kuya Germs. Wala akong ka talent-talent noon sa pagkanta o pagsayaw,but he took risk on me, at ‘yun ang naging susi ko upang maiahon ko ang sarili at pamilya ko sa kahirapan,” pahayag ni Mayor Isko noong namayapa si Kuya Germs.
Matatandaang galing sa mundo ng showbiz si Moreno at kabilang siya sa programang “That’s Entertainment” noong dekada ’80.
Gumanap din siya sa iba’t-ibang pelikula at naging katambal si Claudine Barretto.
Bago maging alkalde ng Maynila, naging konsehal muna siya taong 1998 sa unang distrito ng siyudad at naging bise-alkalde sa loob ng siyam na taon.