“You were warned. Nag-abiso na ako. Nananawagan po ako na huwag ninyo nang ulitin. Inulit niyo pa rin. Sinusubukan niyo kung may batas at liderato sa Maynila. Kailangan niyo pong harapin ngayon ang bisa ng batas.”
Ito ang tahasang reaksyon ni Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa mga naarestong miyembro ng makakaliwang grupong “Panday Sining” sanhi ng ginawang bandalismo sa ilang poste ng Light Rail Transit (LRT) 2.
Pasado alas-5:30 ng hapon noong Sabado nang hulihin ang apat na militante habang nag-aabang ng jeep sa kahabaan ng Plaza del Carmen Street, malapit sa San Sebastian Church.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga nadakip na sila Jeanne Vaughn Nico Quijano, 24; Joven Francis Laura, 24; Mikhail Collado, 18, at isang menor-de-edad na residente sa Blumentritt, Sampaloc, sa naturang lungsod.
Naaktuhan silang nagva-vandal ng mga tauhan ng MPD-District Intelligence Division sa isinagawang kilos-protesta na pagbibigay-pugay kay Gat Andres Bonifacio.
Ayon pa sa pulisya, nanlaban at nanulak pa umano ng operatibo ang apat nang arestuhin.
Nasa kostudiya sila ngayon ng Manila Police at sasampahan ng kasong Malicious Mischief, R.O. 797 (Resisting Arrest) & R.O. 1600 (Interfering Police Duties).
Samantala, maaring kinondena ng “Panday Sining” ang ginawang pagdakip at nanawagan sa pamahalaang lungsod na palayain ang mga nasabing kasapi.
“Protest art in the time of narrowing space for free and critical thinking is not only just but necessary. We demand the immediate release of these people’s artists,” pahayag ng militanteng grupo sa Facebook page nila.
(BASAHIN: Mayor Isko sa nag-vandal sa Lagunislad Underpass: Buburahin niyo ‘to ng dila niyo)
Magugunitang sinabi ni Moreno na “buburahin sa pamamagitan ng dila” ang mga binaboy na pader at estraktura ng mga mahuhuling gumagawa ng bandalismo.