Cauayan City,Isabela- Binawi na ni Municipal Mayor Francis Faustino‘Kiko’ Dy ang umiiral na General Community Quarantine Phase 1 subalit maghihigpit pa rin ang mga awtoridad sa mga nakalatag na checkpoint matapos makapagtala ang bayan ng panibagong kaso ng COVID-19.
Batay sa kanyang social media post, nakikiusap ito sa publiko na pansamantalang pagbabawalan muna ang pagpasok sa mga barangay maging sa buong bayan habang patuloy ang isinasagawang contact tracing sa posibleng mga nakasalamuha ng nagpositibong pasyente.
Aniya, tikom ang bibig ng pasyente dahil hindi ito makapagbigay ng karagdagang impormasyon para mapadali ang pagtukoy sa mga posibleng nakasama nito.
Giit pa ng alkalde, sakaling matapos ang isasagawang contact tracing at pagtukoy sa posibleng mga barangay na napuntahan ng pasyente ay magpapatupad ulit ito g panibagong panuntunan at ito ay ang pagbabawal na makapasok at makalabas ng sinuman sa barangay na napuntahan ng pasyente.
Samantala, humihingi naman ng paumanhin ang alkalde dahil sa pagkaantala ng mga trabaho ng ilang mga manggagawa dahil sa nangyaring sitwasyon subalit ginagawa aniya nito ang lahat para hindi na lumala pa ang sitwasyon at mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Ipinag-utos naman nito sa mga opisyal ng barangay na pansamantalang sila ang bibili ng mga pangunahing pangangailangan ng bawat Echagueños.