Mayor ng Baras, Rizal nagpositibo sa COVID-19

Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang alkalde ng Baras, Rizal na si Kathrine Robles.

Sa Facebook page ng Municipality of Baras, Rizal, inanunsyo ng alkalde ang kanyang kalagayan.

Aniya, “Ikinalulungkot ko po na ipabatid sa kaalaman ng lahat na ako po ay nagpositibo sa COVID-19.”


Maaari raw na nakuha niya ang sakit dahil sa dami ng kanyang nakakasalamuhang tao bilang isang alkalde.

“Sa pagtupad ko po ng aking tungkulin bilang isang lingkod-bayan ay iba’t-ibang tao po ang aking nakakasalamuha at kinakailangan ko rin pong magtungo sa ibang bayan upang makipag-ugnayan sa mga programa ng ating Lokal na Pamahalaan,” saad niya.

Sa kabila nito ay ibinalita rin ni Mayor Robles na stable naman ang kanyang kondisyon.

Nanawagan din ito sa lahat ng kanyang nakasalumuha simula noong Marso 18 na magtungo sa Municipal Health Office para sa “contact tracing” upang agad maisagawa ang home quarantine kung kinakailangan.

“Sa kabila nito ay patuloy pa rin po ang pagkakaloob ng serbisyo-publiko ng ating Lokal na Pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga mamamayan,” dagdag pa ng alkalde.

Paalala niya para sa kanyang kapwa Barasenyo, mas kailangan umano nilang paigtingin at ipagpatuloy ang pagsunod sa mga alituntunin ng Department of Health (DOH) para malabanan ang coronavirus.

Kaugnay nito, maalalang una nang nagpositibo sa COVID-19 ang gobernador ng Rizal na si Rebecca “Nini” Ynares at ang mayor ng Taytay na si Joric Gacula.

Samantala, ngayong araw naman ay pumanaw na si Vice Mayor Jolet Delos Santos ng Jalajala, Rizal dahil din sa COVID-19.

Facebook Comments