Nagpatupad ng bagong restriction si New York City Mayor Bill de Blasio upang mapigilan ang second wave ng COVID-19.
Sa utos ni De Blasio ang mga bar, restaurants at gyms ay dapat sarado na pagsapit ng alas-10:00 ng gabi kung saan ang publiko naman ay nililimitahan na lamang sa sampu o pababa ang bilang kung magkikita o magtitipon.
Sa datos ng New York City Department of Health and Mental Hygiene, muling nadagdagan ng 94 na COVID-19 patient ang mga hospital sa kanilang syudad kung saan nakapagtala rin sila ng 817 na bagong kaso ng virus.
Inihayag pa ng alkalde na kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19, ang mga public school sa New York ay kanilang isasara at ipapairal na lamang ang online classes.
Babala ni De Blasio, ito na ang huling pagkakataon na kanilang gagawin para mapigilan ang second wave ng virus at umaasa siya na susunod ang publiko sa inilabas na bagong restriction.