Cauayan City, Isabela- Hinatulan ng kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act ng Sandiganbayan Third Division mula 6 hanggang 8 taong pagkakakulong si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na dating Deputy Director General at bids and awards committee (BAC) head at 5 iba pa matapos ang umano’y maanomalyang pagbili ng rubber boats at outboard motors na nagkakahalaga ng P131.5 million noong 2009.
Kasama rin sa mga pinatawan ng pagkakakulong si dating Philippine National Police (PNP) Chief Jesus A. Verzosa, PNP Deputy Director General Benjamin A. Belarmino Jr.; Director and BAC vice-chairman Luizo C. Ticman; Director and BAC member Romeo C. Hilomen; at Chief Superintendent and BAC member Villamor A. Bumanglag.
Pinawalang-sala naman ng korte si dating Director Ronald D. Roderos matapos ang bigong makapaghain ang prosekusyon na sangkot ito sa anomalya.
Ipinag-utos naman ng korte ang dismissal case laban kay dating Chief Superintendent Herold G. Ubalde dahil sa kanyang pagkamatay.
Batay sa 88 pahinang desisyon na pinagtibay ng korte, binili ang rubber boats at outboard motors mula sa tatlong magkakaibang suppliers na EnviroAire, Inc., Geneve SA Philippines, at Bay Industrial Philippines Corp.
Sinasabing ginamit ang nasabing kagamitan sa rescue, relief at rehabilitation ng mga nasalanta ng Bagyong Ondoy at Pepeng noong September at October 2009.
Dahil umano sa matinding pangangailangan ng kagamitan, muling binuhay ng mga akusado ang negosasyon sa mga suppliers at hindi na nasunod pa ang mandatory public bidding.
Kaugnay nito, sinasabing bumili ng 24-units ng Apex A-47 A1 rubber boats na nagkakahalaga ng P27,960,000 at 93 units Mercury 60 HP outboard Motor sa halagang P44,175,000 mula EnviroAire Inc.
Bumili rin ng 41 units ng Zodiac FC 470 rubber boats sa halagang P47,765,000 mula sa Geneve SA Philippines at 10 units ng Loadstar HKS 480 rubber boats sa P11,650,000 mula naman sa Bay Industrial Philippines Corp.
Sa desisyon ng korte, sinabi ng Sandiganbayan na ang mga nasabing supplier ay walang kakayahang magsuplay ng rubber boats at outboard motors gayundin ang target sana ng delivery period.
Sa katunayan, sinabi ng korte na ‘unjustified’ ang rason ng mga akusado sa pagbili ng mga kagamitan.
Napag-alaman rin na noong binuksan ang bidding sa pagbili ng 75 units ng rubber boats at outboard motors, hindi nakapasa sa eligibility check ang kumpanyang EnviroAire pero dahil sa pakikipagsapalaran ng EnviroAire and Stoneworks Specialist International, Inc. at kalauna’y pumasa sa pagsusuri.
Sa kaso naman ng Bay Industrial Philippines, nalaman ng korte na ito ay mayroon nang mas mababa sa isang taon at may bayad na kapital na mas mababa sa P500,000 nang iginawad ito sa supply contract para sa mga rubber boat.
Sinabi ng korte na ang Geneve SA Philippines ay hindi nakapasa sa mga kinakailangan sa pagiging karapat-dapat, at ang Certificate of Existence na may petsang Setyembre 3, 2009 na isinagawa ng General Manager nito na si Senen I. Arabaca, ay hindi ipinakita na nakumpleto nito ang isang kontrata para sa supply at paghahatid ng mga bangka na goma at mga motor na nasa labas.
Dahil sa magkakahiwalay na pagkuha na ginawa ng mga akusado, sinabi ng korte na mayroong “functional incompatibility” ng mga rubber boat at outboard motor.
Inaasahan namang maghahain ng mosyon ang kampo ng alkalde at iba pang sangkot sa usapin.