Cauayan City, Isabela- Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” ang Kapitan ng Barangay San Mariano, Sta. Marcela, Apayao.
Batay sa report ng PNP Sta. Marcela, kinilala ang opisyal na si Bobby Daquioag, 52-anyos.
Una rito, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula kay Sta. Marcela Mayor Evelyn Martinez kaugnay umano sa pagpayag ng kapitan na magdaos ng kasal sa tahanan ng nagngangalanv Eddie Corpuz noong May 28,2021 sa naturang barangay.
Ayon pa sa PNP, nagpadala ng kuhang larawan ang alkalde kung saan makikita ang dami ng mga dumalo na mahigpit na ipinagbabawal upang makaiwas sa banta ng COVID-19.
Kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad at nakumpirma sa ilang saksi ang nangyaring selebrasyon kabilang na dumalo ang mismong kapitan ng barangay.
Kinumpirma naman ng alkalde na hindi siya nagbigay ng anumang clearance o permit na magsagawa ng selebrasyon sa kabila ng nakasailalim pa sa MECQ ang buong lalawigan ng Apayao.
Sa ilalim ng nilagdaang Executive Order no. 18 ng Gobernador, hanggang June 15 pa iiral ang MECQ.