JAKARTA, Indonesia — Lumuhod at umiyak si Surabaya Mayor Tri Rismaharini sa harap ng mga doktor at hospital directors sa gitna ng usapin tungkol sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa lugar.
Nagpatawag ng pagpupulong si Risma kasama ang Indonesian Medical Association (IDI) at lokal na awtoridad noong Lunes, upang pag-usapan ang sitwasyon sa Surabaya, na epicenter na ngayon ng virus outbreak sa Indonesia, ayon sa The Jakarta Post.
Sa nag-viral na video, makikita ang mayor na nakaluhod at lumuluhang humihingi ng paumanhin matapos sabihin ng isang pulmonologist na kasama sa meeting na hindi na kinakaya ng kanilang ospital ang dami ng COVID-19 patients.
Bukod sa overcapacity, pinuna rin ng doktor ang hindi pagsunod ng maraming residente sa Surabaya sa health protocol sa pag-iwas sa lalo pang pagkalat ng virus.
Dito na nagsimulang umiyak si Risma na nagmakaawang huwag sisihin ang administrasyon sa pangyayari.
Iginiit ng mayor na nahihirapan silang maabot ang mga ospital kahit na nag-aalok sila ng tulong at may mga ginagawa naman umano silang aksyon upang kontrolin ang pagdami ng kaso sa lugar.
“Please don’t keep blaming us,” naiiyak niyang sinabi, ayon sa tribunnews.com.
Ayon sa ulat, sa kabila ng lumalalang sitwasyon ng pandemya, nagkaroon ng iringan sa pagitan ni Surabaya mayor at East Java Governor Khofifah Indar Parawansa hinggil sa stratehiyang gagawin sa rehiyon laban sa COVID-19.
Isang opisyal umano ng East Java COVID-19 task force ang nagmungkahing ibalik ang large-scale social restrictions (PSBB) sa lungsod.
Ngunit sinabi ni Risma na wala sa plano ng kanyang administrasyon ngayon ang PBB dahil prayoridad nila ang mas pinalawig na testing at pagpapasara ng shopping centers sa oras na may magpositibo sa virus.