Mayor sa Mexico, tinali sa likod ng pick-up truck at kinaladkad dahil sa mga ‘pangakong napako’

CCTV footage ng pangangaladkad kay Mayor Jorge Luis Escandon Hernandez.

Humantong sa pananakit ang kilos-protesta ng mga magsasakang galit sa Las Margaritas,  Chiapas, Mexico nitong Martes.

Sa kumakalat ngayon na video, makikitang sumugod sa munisipyo ang mga rallyista at kinuha si Mayor Jorge Luis Escandón Hernández.

https://www.youtube.com/watch?v=faRIe_JcAkk


Nang mailabas ang alkalde sa city hall, ginapos siya sa pick-up truck at kinaladkad ng ilang metro sa kalsada.

Kaagad naman nailigtas ng mga pulis si Hernández. Wala naman tinamong sugat o bali ang naturang opisyal.

Dinakip ang 11 kataong sangkot umano sa insidente.

Ayon sa mga nagpupuyos na magsasaka, ginawa nila ito dahil hindi tinupad ng pinuno ang mga ipinangako niya noong kampanya at halalan.

Kabilang umano sa mga pangakong napako ay pagkakaroon ng maayos na kalsada at pagbibigay ng tubig at kuryente sa isang maliit na pamayanan.

Samantala, maaring pinabulaanan ni Hernández ang mga ipinaparatang sa kaniya at sinabing paninira lamang ito.

Pinag-aaralan ngayon ng alkalde na sampahan ng kasong abduction at attempted murder ang mga naarestong rallyista.

Facebook Comments