Walang nakikitang problema para kay Hugpong ng Pagbabago Chairperson, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagsasapubliko ng mga pangalan ng mga kandidatong sangkot sa ilegal na droga.
Pero may mga kondisyon ang alkalde sa paglalabas ng narcolist.
Ayon kay Mayor Duterte – dapat ilahad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dahilan kung bakit napasama ang kandidato sa listahan ng drug personalities.
Ito ay para mabigyan ng oportunidad ang kandidato na ipaliwanag ang kaniyang sarili.
Dagdag pa ni Mayor Duterte na dapat ipaliwanag ng DILG kung bakit walang naisasampang kaso laban sa kandidato na nasa narcolist.
Nabatid na suportado ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng DILG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilabas ang pangalan ng mga pulitikong sangkot sa ilegal na droga.