Mayor Vico Sotto, nagalit sa dating PBA player na ‘nagmura’ sa mga frontliner nila

FILE PHOTO from Twitter/Vico Sotto

Naglabas ng sama ng loob si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang dating PBA player na umano’y nagmura sa kaniyang mga tauhan habang namimigay ng cash assistance.

Sa Facebook Live session noong Martes, binanggit ni Sotto na binastos umano ng dating manlalaro ang ilang empleyado ng city hall na humingi ng tulong sa mga homeowner ng Pasig Green Park Village.

Posible raw na nagalit ang basketbolista dahil hindi raw ito nasiyahan sa ipinamamahagi ng pamahalaang siyudad.


“Merong isang instance, taga-Greenpark. Siguro naliitan dun sa ano [pinapamigay]. Alam ko naman may kaya ‘yung tao na ‘yun… Minura-mura ‘yung team leader natin, bakit daw ganun lang ‘yung pinamimigay,” hinanakit ng alkalde.

“‘Yung sense of entitlement ng ibang tao, grabe talaga. Ito mga frontliners natin na nagpapagod, over beyond the call of duty.”

Nagpipigil si Sotto na sabihin ang pangalan ng manlalaro pero kakampi raw ito dati ng bayaw na si Marc Pingris.

“Ilan lang naman (ang) dating PBA players sa Green Park, alam mo na kung sinong sinasabi ko,” pagpapatuloy ng opisyal.

Dagdag pa niya, nagpapakapagod ang kanilang mga kawani upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng COVID-19 pandemic.

“Yung mga team leader natin, pagod na pagod yan, nagtatrabaho sila, sa init. Pinasok na nga namin yung subdivision para mabigyan yung mga nangangailangan,” anang Sotto.

Ang tulong pinansyal ay bahagi ng proyekto ng lokal na gobyerno para sa mga pamilyang hindi nakasama sa social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Facebook Comments