Kuntento ang mayorya ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan sa ginawang implementasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista, naging positibo ang pagpatupad ang ahensiya ng seguridad ng pagkain sa pamamagitan ng SAP para sa pamilyang pinakaapektado ng community quarantine.
Sinabi pa ni Bautista na ito ang lumabas sa isinagawang pag-aaral ng ahensya at ng World Food Program ng United Nations sa may 1,249 respondents kung saan nakatuon ang naturang survey sa epekto ng pandemic at tulong na ibinigay sa may 18 milyong mahihirap na Pilipino mula Hunyo hanggang Agosto 2020.
Aniya, mahigit 92% ang nagsabing ginamit nila ang ayuda sa pagbili ng pagkain.
Ginawa ni Bautista ang pahayag makaraang lumabas ang pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) noong Lunes na may 7.6 milyong Pinoy ang nakaranas ng gutom sa loob ng tatlong buwan.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na ang pagtugon sa kagutuman ay hindi kaya ng iisang ahensiya lang kundi ng buong gobyerno sa pamamagitan ng Inter-agency Task Force on Zero Hunger.