Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang katotohanan na ang Amerika ang nagpi-pressure sa China na tanggapin ang desisyon ng arbitration court ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Ito ay matapos ang naging resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan sinabi ni Zubiri na nagbigay siya ng rider question patungkol sa isyu sa West Philippine Sea.
Ayon kay Zubiri, ang kanyang naging patanong sa survey ay kung pabor ba ang mga Pilipino na palakasin ang ating military ties o cooperation sa Estados Unidos sa gitna ng security tension sa West Philippine Sea sa pagitan ng China at Pilipinas.
Batay sa survey, 75 percent ng populasyon ang sangayon na tulungan tayo ng US sa problema sa West Philippine Sea habang 14 percent ang hindi pabor.
Dahil napakalaki aniya ng disparity o diperensya ng pabor sa hindi, ibig sabihin lamang nito ay marami na sa ating mga kababayan ang galit na sa China.
Dagdag pa ni Zubiri, sawang-sawa na ang mayorya ng mga Pilipino sa iligal na pagpasok sa bansa lalo na sa mga panghihimasok nito sa Reed bank na napakalapit sa El Nido at sa Coron.