Mayorya ng mga Pilipino, kumbinsidong kumakalat ang COVID-19 dahil sa mga lumalabag sa health protocols – SWS

Nasa walo sa bawat 10 Pilipino ang naniniwalang ang mga lumalabag sa health protocols ang dahilan kung bakit kumakalat ang COVID-19 sa bansa.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 79% ng Filipino adults ang kumbinsidong ang mga health protocol violators ang nagpapalala ng COVID-19 situation sa bansa.

Nasa 11% naman ang nagsabing ang pamahalaan ang may pakana ng pagkalat ng COVID-19 dahil sa kawalan ng kahandaan, at 10% naman ang naghayag na ang bagong variants ang dahilan ng pagkalat pa ng virus sa bansa.


Lumalabas din sa survey na 33% ang nagsabing sila ang may responsibilidad na matigil ang pagkalat ng virus, 31% ang nagsabing ang national government, 15% ay ang mga miyembro ng komunidad, siyam na porsyento sa lokal na pamahalaan, at walong porsyento ang nagsabing ang kanilang mga pamilya at apat na porsyento naman ang mga health workers.

Ang nationwide survey ay isinagawa mula April 28 hanggang May 2, 2021 sa 1,200 respondents.

Facebook Comments