Mayorya ng mga Pilipino, naniniwalang delikado magtungo sa grocery o palengke dahil sa banta ng COVID-19 – SWS Survey

Naniniwala ang pito sa bawat 10 Pilipino na mapanganib na magtungo sa grocery store o palengke dahil sa COVID-19 pandemic.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 77% ang nagsabing ‘risky’ ang pumunta sa pamilihan.

Nasa 16% naman ang nagsabing maliit lamang ang panganib at apat na porsyento ang naniniwalang hindi delikadong magpunta sa grocery o palengke.


Ang natitirang dalawang porsyento ang nagsabing hindi sila pumupunta sa grocery o palengke.

Marami ang nagsabing delikado magtungo sa pamilihan sa Balance Luzon (80%), kasunod ang Metro Manila (76%), Visayas (75%) at Mindanao (74%).

Nasa 69% naman ang nagsabing delikado pa ring dumalo sa religious services, 18% ang naniniwalang hindi gaano delikado habang walong porsyento ang nagsabing hindi mapanganib at limang porsyento ang hindi pumupunta ng religious services.

Nasa 65% ang naniniwalang delikado ang pumasok sa kanilang trabaho, 16% ang nagsabing hindi medyo delikado at 10% ang nagsabing hindi ‘risky.’

Nasa apat na porsyento ang work-from-home, habang apat na porsyento ang employed pero hindi nagtatrabaho sa ngayon.

Ang SWS National Mobile Phone Survey ay isinasagawa mula September 17 hanggang 20 sa 1,249 respondents, may edad 18 anyos pataas.

Facebook Comments